Sa halip na personal na makadalaw sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay, sa loob ng bilangguan ginunita ng mga Persons Deprived of Liberty o PDL sa Balungao District Jail ang Undas 2026.
Nagsagawa ng simpleng pagtitirik ng kandila at panalangin ang mga PDL bilang pag-alala sa kanilang mga kaanak at mahal sa buhay na pumanaw na.
Sa kabila ng kanilang pagkakakulong, nabigyan sila ng pagkakataong makapag-alay ng panalangin at sariwain ang mga alaala ng mga taong hindi na nila kapiling.
Nakiisa rin sa paggunita ang mga tauhan ng bilangguan na nanatiling naka-duty dahil sa ipinatupad na red alert status upang matiyak ang seguridad ng pasilidad sa panahon ng Undas.
Para sa mga PDL na hindi makadalaw sa mga sementeryo, ang simpleng seremonya ay nagsilbing pagkakataon upang maipahayag ang kanilang pangungulila at pag-alala sa mga yumao.
Samantala, nanatili ang mahigpit na pagbabantay sa loob ng Balungao District Jail habang isinagawa ang aktibidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








