Pansamantalang hindi mapapakinabangan ng publiko ang Interactive Fountain sa Capitol Complex sa Lingayen, Pangasinan matapos itong isailalim sa electrical maintenance.
Batay sa abisong inilabas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan, kasalukuyang out of service ang pasilidad upang masuri at matiyak ang maayos at ligtas na operasyon ng electrical system nito.
Dahil dito, pansamantalang hindi mapapanood ng mga bumibisita sa Capitol grounds ang makukulay na ilaw at water display na sinasabayan ng musika.
Matatandaang Mayo ngayong taon nang opisyal na buksan sa publiko ang Interactive Fountain, na naging isa sa mga dinarayong atraksyon sa Kapitolyo, partikular na sa gabi.
Gayunman, wala pang inilalabas na tiyak na petsa ang pamahalaang panlalawigan kung kailan matatapos ang maintenance at muling magiging operational ang pasilidad.
Hindi rin tinukoy sa abiso kung may natukoy na problema sa electrical system o kung bahagi lamang ito ng regular na preventive maintenance.
Inaasahan namang maglalabas ng panibagong abiso ang pamahalaang panlalawigan sa oras na maaari nang muling gamitin ang fountain.
Samantala, pinapayuhan ang mga residenteng nagpaplanong bumisita sa Capitol Complex na abangan muna ang opisyal na anunsiyo hinggil sa muling pagbubukas ng atraksyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







