TUBONG MALASIQUI, PANGASINAN, TOPNOTCHER SA AERONAUTICAL ENGINEERING LICENSURE EXAMINATION

Hindi lamang basta paghanga sa mga eroplanong lumilipad sa kalangitan ang nagsilbing simula ng pangarap ni Engr. Luis Reden Delos Reyes De Vera.

Sa paglipas ng panahon, ang simpleng pangarap na magpalipad ng eroplano ay unti-unting nagbigay-daan sa mas malaking mithiin na maabot ang tagumpay sa larangan ng aeronautical engineering.

Ngayon, bunga ng kanyang dedikasyon, pagsisikap at determinasyon, isa na siyang karangalan ng kanyang pamilya at ng buong bayan ng Malasiqui, Pangasinan.

Nagtapos si De Vera sa WCC – Aeronautical and Technological College, Binalonan Campus, at nakamit ang pagiging Top 5 sa November 2026 Aeronautical Engineers Licensure Examination, matapos makakuha ng 91.85 percent na marka, batay sa resulta na inilabas ng Professional Regulation Commission o PRC.

Isang tagumpay na hindi lamang sumasalamin sa kanyang angking kakayahan kundi maging sa mga taon ng pag-aaral, paghahanda at pagsusumikap upang makamit ang isang pangarap na minsang nagsimula lamang sa paghanga sa mga eroplanong dumaraan sa kalangitan.

Higit pa sa karangalang hatid nito sa kanyang pamilya at paaralang pinagmulan, nagsisilbi ring inspirasyon si De Vera sa mga kabataang may kani-kaniyang pangarap na nais abutin.

Pinatutunayan ng kanyang kuwento na hindi kailangang maging malaki agad ang isang pangarap sa simula. Sa pamamagitan ng tiyaga, determinasyon at pananalig sa sariling kakayahan, ang dating simpleng paghanga ay maaaring maging daan tungo sa isang pambihirang tagumpay.

At para kay De Vera, ang pagkilalang ito ay hindi lamang pagtatapos ng isang mahalagang yugto ng kanyang paglalakbay, kundi simula pa lamang ng mas mataas na pangarap na nais niyang marating. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments