
Bagama’t nasa Mindanao ang tumamang magnitude 7.8 na lindol noong June 8, muling pinaaalalahanan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang publiko na hindi dapat ipagsawalang-bahala ang posibleng pagtama ng “The Big One” sa Metro Manila.
Sa Kapihan sa Manila Hotel, sinabi ni PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol na patuloy silang nakabantay sa mga fault line sa Metro Manila.
Aniya, tinatayang nasa magnitude 7.2 ang magiging lakas ng “The Big One,” na magdudulot ng matinding pinsala sa mga komunidad, imprastraktura, at kabuhayan.
Dahil dito, pinaigting ng PHIVOLCS ang information drive at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy at malinaw na mamarkahan ang mga lugar na tinatahak ng mga fault line, partikular ang West Valley Fault.
Muling nagbabala si Bacolcol na hindi dapat tayuan ng mga bahay sa loob ng limang metrong layo mula sa fault line dahil sa panganib na dulot ng ground rupture kapag ito ay gumalaw.
Paalala ng PHIVOLCS, dapat handa ang bawat isa kung magkaroon ng lindol, lalo na ang mga residenteng nakatira malapit sa mga aktibong fault line.
Naniniwala naman si Bacolcol na mas sapat ang kaalaman at kahandaan ng publiko ngayon kumpara sa mga nagdaang taon sakaling tumama ang lindol, dahil na rin sa mga isinasagawang earthquake drill at pagkalat ng tamang impormasyon sa tulong ng social media.










