
Bumanat muli sa kanyang Facebook Live si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano laban kina Senator Ping Lacson at Senator Erwin Tulfo kaugnay ng natigil na imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Sinabi ni Cayetano na sa pamumuno ni Lacson sa Senate Blue Ribbon Committee (BRC), halata umano na si Lacson ang nagtakda ng direksyon ng imbestigasyon at nagturo kung sino ang may pananagutan at kung sino ang wala sa halip na ibatay ito sa mga ebidensiya.
Nagparinig din si Cayetano kay Lacson at sinabing kung pampaputi ang kailangan, kay Lacson umano dapat lumapit dahil magaling itong mag-whitewash.
Hindi rin napigilan ni Cayetano na sagutin ang ginawang pagkukumpara sa kanya ni Lacson sa mga dating Senate president.
Ikinumpara rin nito si Lacson sa mga dating chairman ng BRC tulad nina dating Senator Richard Gordon at dating Senator Teofisto “TG” Guingona III, na aniya’y naging bukas noon sa pagpapatawag ng mga kinakailangang testigo sa mga pagdinig.
Pinuna rin ni Cayetano si Tulfo, na kasalukuyang chairman ng BRC, dahil umano sa madalas nitong pagsasabing mag-iinhibit siya sa imbestigasyon ng Senado kapag haharap ang 18 dating tauhan ni Co, ngunit patuloy naman ang pagbibigay nito ng komento laban sa mga dating bodyguard.










