Thursday, June 25, 2026

Pilot testing ng digitalization roadmap program ng DHSUD, sisimulan sa katapusan ng Hunyo

Sisimulan na ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa katapusan ng Hunyo ang pilot testing ng kanilang digitalization roadmap program bilang bahagi ng pinaigting na transparency at mas mabilis na serbisyo publiko.

Tututukan ng programa sa unang yugto ang digital na pagpoproseso ng mga permit at pag-iisyu ng certificate of registration at license to sell.

Maaari na ring magsumite at magproseso ng application online ang mga developer saan mang panig ng bansa, habang maglalagay naman ng integrated database ang departamento para mabantayan at agad na matukoy kung may mga developer na lumalabag sa mga regulasyon.

Paliwanag ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, layon ng nasabing inisyatiba na mabawasan ang mga pagkaantala sa proseso, mapabilis ang serbisyo, at maiwasan ang korapsyon.

Samantala, mapakikinabangan din umano ng mga homebuyer ang nasabing inisyatiba dahil mas mabilis na nilang mabeberipika online ang lehitimasyon ng mga housing project bago mamuhunan.

Facebook Comments