
Nagparating ng pakikiramay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilya ng mga nasawi at naapektuhan ng naganap na pamamaril sa Tacloban City.
Sa inilabas na pahayag ng ahensya, sinabi nito na nagdulot ang insidente ng matinding pagdadalamhati at trauma hindi lamang sa mga pamilya ng mga biktima kundi maging sa mga nakaligtas at mga saksi.
Partikular ding ikinabahala ng DSWD ang epekto nito sa mga bata, na anila’y nararapat lumaki sa isang ligtas at mapagkalingang kapaligiran.
Sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan at iba pang ahensya, nagbigay na ang mga social worker ng psychosocial support at psychological first aid sa mga apektadong indibidwal.
Tiniyak ng DSWD na magpapatuloy ang pagbibigay ng kinakailangang tulong at suporta upang makatulong sa pagbangon ng mga pamilya at komunidad na naapektuhan ng trahedya.










