Tiniyak ni Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o TIEZA Chief Operating Officer Dr. Mark Lapid ang pagtutok sa mga proyektong panturismo sa Dagupan City para masiguro ang pagpapatupad sa mga ito.
Sa kanyang pagbisita sa lungsod noong Oktubre 19, binigyang-diin nitong hindi magiging “ghost projects” ang mga proyekto.
Kabilang sa mga nabanggit ang paglalagay ng solar lights sa Tondaligan Park. Ayon kay Vice Mayor Dean Bryan Kua, nais nitong paigtingin ang kaligtasan ng mga residente at turista, mapangalagaan ang kalikasan, at masuportahan ang kabuhayan ng mga lokal.
Samantala, inihayag ni Lapid na makatatanggap ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS ang nasa 2,000 hanggang 3,000 empleyado ng lokal na pamahalaan ng Dagupan.
Aniya, nakipag-ugnayan na sila sa Department of Social Welfare and Development o DSWD, at inaasahang maipagkakaloob ang tulong sa susunod na linggo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








