HIGIT 37,000 EKTARYA NG SAKAHAN SA PANGASINAN, POSIBLENG MAAPEKTUHAN NG TAGTUYOT DAHIL SA EL NIÑO

Tinatayang 37,672 ektarya ng lupang sakahan sa Pangasinan ang posibleng maapektuhan ng tagtuyot sa inaasahang paglitaw ng El Niño phenomenon, ayon sa Provincial Agriculture Office.

Sa ika-55 Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan, iniulat ni Dalisay A. Moya, Provincial Agriculture Office Head, na sinusuri na ng kanilang tanggapan ang mga lugar na bulnerable sa tagtuyot bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño.

Posibleng maapektuhan ang mga pananim na palay, mais at gulay, gayundin ang mga inland fishpond.

Tinatayang 38,000 magsasaka at 15,283 mangingisda sa lalawigan ang posibleng makaranas ng epekto nito.

Kabilang sa mga nangangamba sa posibleng epekto ng tag-init si Mang Froilan, isang magsasaka sa Barangay San Vicente, Urdaneta City, na nag-aalala sa kalagayan ng kanilang mga itatanim sa darating na Nobyembre.

Sa datos ng Provincial Agriculture Office, District 3 ang may pinakamalaking lawak ng sakahang posibleng maapektuhan, na umaabot sa 11,813 ektarya. Sinusundan ito ng District 6 na may 7,903 ektarya, District 5 na may 6,369 ektarya, District 2 na may 5,019 ektarya, District 1 na may 4,048 ektarya, at District 4 na may 2,520 ektarya.

Bilang paghahanda, planong pahusayin ng tanggapan ang pag-access ng mga magsasaka sa posibleng crop insurance at palawakin ang pagtuturo sa mga ito tungkol sa mga hakbang na maaaring gawin upang mabawasan ang epekto ng El Niño sa kanilang kabuhayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments