
Tinuligsa ng ilang mga mambabatas ang China sa panibagong panggigipit sa bansa matapos na harangin at muntik pang banggain ng China Coast Guard (CCG) ang barkong BRP Cabra ng Philippine Coast Guard (PCG) malapit sa Panatag Shoal nito lamang Linggo.
Dahil dito ay nanawagan si Senate Majority Floor Leader Francis Tolentino sa mga kaalyadong bansa na papanagutin ang Beijing sa tahasang paglabag nito sa rule of law.
Tinukoy ni Tolentino na ang Panatag Shoal na nasa loob ng ating exclusive economic zone (EEZ) kaya naman ang ginagawang panggigipit ng China ay hindi lang naglagay sa panganib sa buhay ng mga coast guard personnel ng bansa kundi ito ay direktang paglabag sa International Law at sa mga karapatan ng Pilipinas bilang isang malayang bansa.
Inirekomenda naman ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada sa gobyerno na magkaroon ng tiyak na hakbang sa isyu at iakyat na ang naturang usapin sa International Maritime Organization (IMO) dahil klarong lumabag ang China sa Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGs) kung saan signatory ang naturang bansa.
Ang agresibong ginawa ng China ay tahasang pagbalewala sa maritime safety at sa international norms kaya naman nararapat lang na kondenahin ito.