PCG, nakalatag na ang mga plano para sa maayos at payapang Semana Santa 2025

Inatasan na ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan ang lahat ng kaniyang mga tauhan na siguraduhin magiging ligtas at payapa ang mga hakbang sa ilalim ng Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2025.

Hangad ng PCG ang zero maritime casualty ngayong mahal na araw kung saan sa April 13 hanggang 20 ay itataas nila sa heightened alert status ang kanilang operasyon.

Inaasahan ng PCG na daragsa ang milyon-milyong pasahero sa mga pantalan gayundin sa mga pasyalan kaya’t pinasisiguro ng opisyal sa lahat ng districts, stations, at sub-stations na manatili sa pagbabantay at pagmo-monitor.

Base sa monitoring ng PCG Command Center at ng Philippine Ports Authority (PPA), umabot sa 1.65 hanggang 1.67 milyon ang bilang ng mga pasaherong dumagsa sa mga pantalan noong 2024.

Kaugnay nito, inaasahan nila na papalo ito sa higit 1.7 milyon ngayong taon lalo na’t tapos na rin ang klase sa ilang mga paaralan.

24/7 na magbabantay ang mga PCG personnel kabilang ang K9 units, rescuers at seaborne patrol upang maiwasan ang karahasan at krimen sa karagatan, pantalan at pasyalan.

Facebook Comments