Mga taong lulong sa scatter, pwedeng ipa-ban sa PAGCOR —Palasyo

Maaaring ipa-ban ng kanilang mga kaanak ang mga indibidwal na lulong sa paglalaro ng online sugal na scatter.

Kasunod ito ng pagtaas ng bilang ng mga indibidwal na nababaon sa utang at nasisira ang buhay at pamilya dahil sa sugal.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nasa website ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang proseso ng pag-ban at agad nila itong aaksyunan.

Bagama’t hindi aniya maaaring ipa-ban ang mismong larong scatter dahil ito ay lisensyado, mahigpit naman itong binabantayan at kinokontrol ng PAGCOR at Department of Information and Communications Technology (DICT).

Aminado rin si Castro na isa sa problema ng gobyerno ngayon ay ang pagdami ng mga illegal gaming websites na patuloy namang tini-take down ng mga awtoridad.

Sa ngayon, nasa 7,000 illegal sites na aniya ang naipasara ng pamahalaan kahit paulit-ulit na nagpapalit ng website ang mga operator.

Hinimok din ni Castro ang mga sikat na personalidad na huwag na mag-promote ng mga illegal na online scatter.

Facebook Comments