Rep. Paolo Duterte, iginiit na hindi kriminal ang kanyang ama na isangdaang araw nang nakakulong sa The Hague

Iginiit ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte na hindi kriminal ang kanyang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte na aniya’y ilegal na tinangay at ikunulong.

Mensahe ito ni Rep. Duterte, kasabay ng pagpatak sa ika-100 araw kahapon na nakakulong ang kanyang ama sa detention facility ng International Criminal Court sa The Hague.

Napakasakit para kay Congressman Pulong ng sinapit ng kanyang ama na ibinigay ang buhay para magsilbi sa bansa at para mamuhay ang mamamayan ng mapayapa, walang takot at may dignidad.

Bunsod nito ay nananawagan si Rep. Duterte sa bawat isa na magsindi ng kandila at mag-alay ng panalangin para sa katatagan, kalusugan at kalayaan ni dating Pangulong Duterte.

Naniniwala si Congressman Pulong na iiral ang hustisya at katotohanan at umaasa silang hindi pababayaan ng mamamayang Pilipino ang dating Pangulong Duterte na lumaban para sa kanila.

Facebook Comments