
Gagamiting modelo ng Department of Justice (DOJ) ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sakaling may ilabas na arrest warrant kina Senador Ronald dela Rosa at dating Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde.
Sa panel discussion sa Malacañang, sinabi ni Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty, ang DOJ ang nagsilbing competent authority sa pag-aresto kasama ang Prosecutor General, at tiniyak nilang valid ang warrant of arrest at nasunod ang tamang proseso.
Una sa proseso ay ang pagtukoy na si dating Pangulong Duterte ang sinisilbihan ng warrant of arrest, iginalang ang lahat ng kaniyang karapatan, at naipatupad nang naayon sa proseso ang pagsisilbi ng arrest warrant.
Kung may dumating aniyang parehong notice of warrant of arrest, ay ganito rin ang modelong kanilang ipatutupad.
Gayunpaman, ayaw pangunahan DOJ ang susunod na hakbang ng International Criminal Court (ICC) dahil hindi nila alam kung sino pa ang kasama sa respondents sa kaso at ano ang status ng imbestigasyon ng ICC.
Ang alam aniya nila, kung babasahin ang warrant of arrest na inisyu ng ICC laban kay dating Pangulong Duterte, ay may lengguaheng nakalagay dito na may iba pang indibidwal ang iniimbestigahan.