
Hindi maituturing na double jeopardy kung ang kasong diringgin sa korte sa Pilipinas ay iba sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, maaari pa ring litisin sa hiwalay na kaso si Duterte sa Pilipinas maliban sa mga kaso ng dating lider sa ICC.
Lumutang ang posibilidad na ito sa gitna ng patuloy na diskusyon hinggil sa hurisdiksyon ng ICC sa mga umano’y krimen na may kaugnayan sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Paliwanag ni Castro, ang prinsipyo ng double jeopardy ay pumapasok lamang kung ang isang kaso ay may pinal na desisyon na, nagkaroon ng arraignment o pagbasa ng sakdal, nakuha ang jurisdiction sa nasasakdal, naisagawa ang paglilitis, at may hatol na batay sa merito ng kaso.
Pero kung magkaiba naman ang mga kasong dinidinig sa bansa at sa ICC, hindi ito maituturing na double jeopardy.