
Nasa 800 pulis ang ipakakalat ng Manila Police District (MPD) para masiguro ang seguridad sa mga pagdiriwang at aktibidad sa Kapistahan ng Sto. Niño sa Pancacan at Tondo.
Ayon kay MPD Spokesman P/Major Philip Ines, tig-400 na tauhan ang ide-deploy sa Tondo at Pandacan simula bukas hanggang Linggo.
Bukod pa ito sa iba pang force multiplier na makatutuwang sa pagpapanatili ng seguridad at kapayapaan sa mga aktibidad at programa.
Ilan sa mga nakatakdang gawin sa Tondo ay ang Lakbayaw bukas ng alas-7:00 ng umaga na susundan ng prusisyon ng alas-4:00 ng madaling araw ng Linggo.
Sa Pandacan naman ay ikakasa ang Buling Buling Festival bukas ng tanghali at Ati-atihan Festival ng alas-7:00 ng umaga sa Linggo.
Kasamahang naka-deploy ang mga medical team kabilang na ang health unit ng MPD kung saan nagpapaalala ang pulisya sa mga dadalo sa prusisyon at festival na huwag ng isama ang mga sanggol at mga bata.
Maaari din, huwag nang sumama kung masama ang pakiramdam at mga buntis.
Higit sa lahat, huwag nang dumalo kung nakainom ng alak habang magsuot din ng komportableng damit at magdala ng tubig.