
Umismid at napairap lamang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa alegasyon ni Senator Imee Marcos na nais ng pangulo na magkaroon ng no election o ‘no-el’ scenario para mapalawig ang kaniyang termino.
Bago lumipad patungong Japan para sa apat na araw na state visit, sinubukan ng media na hingian ng reaksyon ang pangulo tungkol sa naturang issue.
Inulit lamang ng pangulo ang tanong at umiwas na sa media habang si First Lady Liza Araneta Marcos naman ay natawa nalang din sa reaksyon ng Pangulo.
Samantala, itinuturing naman ng Palasyo na “diversionary tactic” lamang ang alegasyon si Sen. Imee upang mailihis umano ang atensyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, tila nais din umanong matabunan ang isyu kaugnay sa umano’y pagtulong ni Senador Robin Padilla kay Senador Ronald dela Rosa at ang nangyaring gulo sa Senado.
Iginiit din ni Castro na sumusunod ang pangulo sa batas at sa Konstitusyon, kabilang ang pagdaraos ng halalan sa 2028.
Matatandaang sinabi noon ni Pangulong Marcos Jr. na matagal na nilang inaalala ang kalagayan ni Senator Imee matapos itong magbitiw ng sunod-sunod na alegasyon laban sa kaniya, kabilang ang paratang na gumagamit umano siya ng ilegal na droga nang walang ebidensya.










