
Ipinahayag ng TRABAHO Partylist ang kanilang matibay na suporta sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Budget and Management (DBM) na ibalik ang PHP 400 milyong pondo para sa branding at marketing campaign ng Department of Tourism (DOT).
Ayon sa nasabing partylist, ang direktiba na ito ay isang mahalagang hakbang patungo sa paglago ng ekonomiya at sa pagpapalawak ng mga oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino.
Ang PHP 400 milyong pondo ay nakalaan upang suportahan ang mga hakbangin na magpapasigla sa sektor ng turismo ng bansa, na labis na naapektuhan ng global pandemic ngunit kasalukuyang nakaka-recover. Layunin ng branding campaign ng DOT na hikayatin ang mga internasyonal na turista at pasiglahin ang lokal na turismo, na makikinabang ang iba’t ibang industriya tulad ng hospitality, retail, transportasyon, at sektor ng sining.
Ayon kay Atty. Mitchell-David L. Espiritu, tagapagsalita ng TRABAHO Partylist, ang muling pamumuhunan sa marketing ng turismo ay direktang magdudulot ng mga bagong trabaho. “Sa pamamagitan ng pag-invest sa tourism marketing, hindi lamang natin ipinapakita ang kagandahan ng ating bansa, kundi lumilikha din tayo ng mga sustainable na trabaho para sa milyun-milyong Pilipino,” ani Espiritu. “Ang sektor ng turismo ay nag-aalok ng trabaho sa iba’t ibang larangan, mula sa hospitality staff hanggang sa mga tour guides, at pati na rin sa mga lokal na artisan at magsasaka. Habang bumabawi ang turismo, magbubukas ito ng mga bagong pagkakataon para sa mga naghahanap ng trabaho at makakatulong sa pagbaba ng antas ng kawalan ng trabaho.”
Binigyang-diin din ni Atty. Espiritu na ang marketing campaign ay hindi lamang magpapalago sa mga tradisyonal na destinasyon ng turista tulad ng Boracay at Palawan, kundi magbibigay din ng pagkakataon sa mga hindi gaanong kilalang destinasyon na makinabang mula sa dagdag na exposure. Ayon sa TRABAHO Partylist, ang muling pamamahagi ng kita mula sa turismo at paglikha ng mga oportunidad sa trabaho sa mga rehiyon ay makakatulong sa pagbalanse ng kaunlaran ng ekonomiya sa buong bansa.
“Ang turismo ay isang economic multiplier. Sa bawat turista na dumadayo, may katumbas na pangangailangan para sa mga produkto at serbisyo—from local food producers hanggang sa mga transport operators,” pahayag ni Atty. Espiritu. “Ang pagbabalik ng pondo para sa branding ng DOT ay isang matalinong pamumuhunan na magbabalik ng mga benepisyo sa pamamagitan ng paglikha ng trabaho, paglago ng negosyo, at pag-unlad ng mga rehiyon.”
Habang ipinagpapatuloy ni Pangulong Marcos ang mga polisiya na naglalayong tugunan ang problema sa kawalan ng trabaho at magtaguyod ng ekonomiyang matatag, nananatiling tapat ang TRABAHO Partylist sa pagsuporta sa mga inisyatiba na inuuna ang mga manggagawang Pilipino at mga komunidad sa buong bansa.