
Pinaghahanda na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang mga pampublikong sasakyan, lalo na sa Metro Manila at sa mga highly urbanized area, para sa nalalapit na Christmas Season at sa inaasahang pagdagsa ng mga komyuter.
Pinatututukan ng ahensya, ang pagtitiyak na sapat ang bilang ng mga Public Utility Vehicle o PUV at ride-hailing services, at pagpapaigting ng mga hakbang para sa kaligtasan ng mga komyuter.
Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg Pua Jr., sinusuri na ng ahensya ang mga nakaraang pag-aaral at datos, para malaman kung sapat pa ba ang kasalukuyang bilang ng mga pampublikong sasakyan sa mga pangunahing lungsod.
Samantala, inatasan din ang mga regional office na regular na imonitor ang sitwasyon sa mga kalsada na kanilang nasasakupan.
Paalala ng ahensya sa mga PUV operator at driver, sumunod sa mga umiiral na regulasyon, gaya ng tamang pamasahe, pagbibigay ng diskuwento, at maayos na pakikitungo sa mga pasahero.










