Nakaamba na ikalawang round ng fuel price increase, hiniling na ipatigil muna

Umapela si Senator Imee Marcos na ipagpaliban muna ang ikalawang round ng pagtaas sa presyo ng langis sa bansa sa gitna ng inanunsyo ng Estados Unidos na ceasefire sa pagitan ng Iran at Israel.

Ayon kay Sen. Marcos, kailangang mapaghandaan ang anumang magiging epekto sa ekonomiya ng nangyaring giyera sa pagitan ng Iran at Israel lalo na sa aspeto ng oil price hike.

Pinangangambahan ng senadora na makakaapekto ang presyo ng langis sa mga pangunahing bilihin kaya mahalagang maging maingat sa pagtaas ng fuel prices partikular na sa presyo ng diesel na direktang nakakaapekto sa suplay ng pagkain ngayong panahon ng tag-ulan.

Hinimok din ng senadora ang gobyerno na patuloy na maghanda sa anumang posibleng pagtindi ng tensyon sa gitnang silangan at ipanalangin ang kaligtasan ng mga kababayang OFWs.

Naunang inanunsyo ni US President Donald Trump na nagkasundo ang Israel at Iran ng “total ceasefire” para wakasan na ang “12 day war” subalit hindi pa ganoon ka-klaro kung ito’y tuluyang tutuparin ng dalawang nagbabanggaang bansa.

Facebook Comments