25 na toneladang smuggled na sariwang sibuyas mula sa China, nasabat ng DA sa Misamis Oriental

Nasabat ng Bureau of Plant Industry (BPI) at ng Bureau of Customs (BOC) sa Mindanao International Container Terminal sa Misamis Oriental ang abot sa 25 metriko tonelada ng illegal na inangkat na sariwang pulang sibuyas mula sa China.

Ayon kay Arnold dela Cruz, Officer-in-Charge ng Region X Plant Quarantine Service, ang shipment ay naka-consigned sa Lantix Consumer Goods Trading, isang kompanya na nakabase sa Binondo, Manila.

Dumating ang kargamento noong May 26 at idineklarang naglalaman ng iba’t ibang frozen na produkto tulad ng egg noodles, croissant dough, pizza dough, buns at spring rolls.

Gayunman, bilang aksyon sa natanggap na impormasyon, hiniling ng BPI- Plant Quarantine Service sa Cagayan de Oro sa BOC na pigilan ang paglabas ng container para sa dagdag na inspection.

Gumawa ng physical examination noong June 11 at natuklasan na ang shipment ay naglalaman ng sariwang pulang sibuyas, at hindi ng mga produktong nakalista sa manipesto.

Batay sa pagtaya sa halaga ng puslit na mga sibuyas, ito ay tinatayang nasa P2-M.

Binigyang-diin ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na hindi nag-isyu ang Department of Agriculture ng ano mang sanitary at phytosanitary import permits para sa shimpment ng pulang sibuyas mula sa China.

Facebook Comments