Nasa likod ng bomb threat sa Ponciano Bernardo High School sa Cubao, pinangalanan na

Tinukoy na ang suspek sa bomb threat sa Ponciano Bernardo High School sa Cubao, Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Nicholas Torre III ang suspek na si Elfrank Emil Anthony Kadusale, 22-anyos.

Una rito, natunton ng QCPD ang pinagmulan ng bomb threat sa Facebook account ng isang Bob Kay Panganiban.


Nang komprontahin ito ng mga guro, itinanggi ng may ari ng account na siya ang nagpadala ng mensahe.

Dito na niya naalala na nalimutan niya noong mag-log out sa kaniyang FB account.

Hiniram umano ng suspek ang kaniyang cellphone.

Nang isailalim na sa pagtatanong ng QCPD ang suspek, sinabi nito na “joke” o isang pagbibiro lang ang kaniyang ginawa.

Nagdulot kasi ng matinding alarma ang ginawa ng suspek sa mga mag-aaral, guro at mga magulang ng mga estudyante ng P. Bernardo High School.

Nadamay rin kahapon na makansela ang klase ng mga mag-aaral sa elementary department.

Facebook Comments