
Ganap nang batas ang Republic Act No. 12322 na nagbibigay sa Department of Education o DepEd ng kalayaang pumili ng pinakamabisang paraan ng pagtuturo sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa basic education.
Nagkabisa ang panukala matapos itong mag-lapse into law noong Agosto 2, 2026.
Sa ilalim ng batas, hindi na nakatali ang DepEd sa iisang paraan ng pagtuturo, sa halip, maaari na itong pumili ng pamamaraang mas angkop upang mas madaling matuto ang mga estudyante.
Binago rin ng batas ang Enhanced Basic Education Act of 2013 na dating nagtatakda ng paggamit ng spiral progression approach sa pagtuturo.
Inaatasan din ang DepEd na repasuhin ang curriculum at paraan ng pagtuturo kada limang taon upang matiyak na epektibo pa rin ang mga ito.
Magkakabisa ang batas 15 araw matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon.










