
Sinimulan na ng House Committee on Ways and Means ang pagtalakay sa mga panukalang batas na layuning maitaas ang halaga ng sweldo hindi na papatawan ng buwis.
Ayon sa chairman ng komite na si Marikina Rep. Miro Quimbo, suporta ito sa isinulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na itaas sa 350,000 pesos ang kabuuang halaga ng sweldo sa loob ng isang taon na hindi na bubuwisan.
Binanggit ni Quimbo, na batay sa data ng Labor Force Survey, kapag naisabatas ang panukala ay pakikinabangan ito ng 4.2 million mga Pilipinong manggagawa na ang mga sweldo ay hindi na makasabay sa patuloy na pagtaas ng bilihin.
Diin ni Quimbo, marapat lang mapagaan ang pasanin ng lower at middle-income workers na syang sandigan ng ating ekonomiya dahil sila ang tapat na nagbabayad ng buwis mula sa kanilang mga sweldo.
Pero nakakalungkot aniya na hindi sila prayoridad na mabigyan ng tulong batay sa mga umiiral na polisiya.










