
Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang Magna Carta of Barangay Health Workers (BHW) o ang Senate Bill 1905 sa botong 20-0-0.
Ayon kay Senate Committee on Health Chairperson Senator Risa Hontiveros, ang panukala ay pagkilala sa mahalagang papel ng mga BHW bilang unang nagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad at katuwang sa pagpapatupad ng Universal Health Care.
Matagal na aniyang hinihintay ng mga BHWs ang batas na magbibigay ng maayos na suporta at seguridad sa kanilang serbisyo.
Sa ilalim ng panukala, makakatanggap ang mga BHWs ng hindi bababa sa P3,000 buwanang volunteer benefit, transportation allowance o reimbursement, hazard pay, at taunang cash gift.
Maaari rin silang mabigyan ng subsistence allowance at P10,000 loyalty incentive kapag umabot sa 15 taon ang kanilang serbisyo.
Saklaw din ng panukala ang insurance coverage, libreng legal assistance, scholarship opportunities at civil service eligibility.
Itatatag din nito ang malinaw na sistema para sa registration, certification at competency-based training ng mga BHW, gayundin ang National BHW Information System para mapahusay ang pagpaplano at deployment ng mga health worker.










