Friday, August 7, 2026

Extradition kay Quiboloy, dapat madaliin —Rep Cendaña

Pinamamadali na ni House Deputy Minority Leader at Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña ang proseso ng extradition kay Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy.

Iginiit ito ni Cendaña makaraang pormal na hilingin ng Amerika na i-extradite o ibigay sa kanilang kustodiya si Quiboloy para litisin sa mga kasong human trafficking, sex trafficking at iba pang paglabag.

Naniniwala si Cendaña na kahit nakakulong sa Pilipinas ay nananatiling banta si Quiboloy sa buhay ng kanyang mga biktima dahil sa taglay na impluwensya sa politika at resources.

Diin ni Cendaña, karumal-dumal ang kahayupang ginawa ni Quiboloy batay na rin sa mga testimonyang lumabas sa pagdinig ng Senado.

Ayon kay Cendaña, dapat pag-bayaran na ni Quiboloy ang kanyang mga krimen upang mabigyan ng katarungan at katahimikan ang kanyang mga biktima.

Facebook Comments