Friday, August 7, 2026

Extradition kay Pastor Apollo Quiboloy, pinamamadali ng isang senador sa DOJ

Idiniin ni Senator Risa Hontiveros sa Department of Justice (DOJ) na madaliin na ang pagpapa-extradite kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy sa Estados Unidos.

Ito’y matapos kumpirmahin ni Philippine Ambassador to the US Babes Romualdez na nag-request na ang gobyerno ng Estados Unidos na dalhin na sa kanila si Quiboloy para litisin sa kinakaharap na sex trafficking ng mga menor de edad, fraud at smuggling ng bulto-bultong pera.

Giit ni Hontiveros, panahon na para papanatagin ang buhay ng mga naging biktima ni Quiboloy.

Ayon kay Hontiveros, Chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, hinihingi na ang hustisya sa napakaraming kababaihan at kabataan na nai-traffick ni Quiboloy sa buong mundo.

Giit pa ng senadora, ang pananatili sa bansa ni Quiboloy ay nagbibigay ng tapang sa mga tagasunod ng pastor na i-harass ang mga survivors na nagsalita laban sa kanya.

Matatandaang nagpatawag ng pagdinig si Hontiveros tungkol sa mga pang-aabusong ginawa ni Quiboloy sa mga babaeng myembro ng religious group kung saan narinig mula sa kanila ang mga nakakadurog na testimonya ng dating televangelist.

Facebook Comments