Tuesday, August 18, 2026

Pag-apaw ng San Juan River, itinurong dahilan sa malawakang pagbaha sa QC

Itinuro ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pag-apaw ng San Juan River bilang sanhi ng malawakang pagbaha sa ilang bahagi ng Quezon City kahapon.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na nagsisilbing bagsakan ng tubig mula Quezon City ang San Juan River, pero dahil sa matinding buhos ng ulan, napuno at umapaw ang ilog kaya hindi na nito nakayanan ang dami ng tubig.

Bilang pangmatagalang solusyon, palalalimin ang San Juan River sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na dredging upang madagdagan ang kapasidad nitong saluhin ang tubig.

Plano rin ang pagtatayo ng navigational gates at detention basins, pagpapagana ng pumping stations, at pagpapalaki ng drainage system.

Binigyang-diin ni Dizon na hindi overnight malulutas ang problema sa baha, pero pinabibilis na ng DPWH ang mga hakbang alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Facebook Comments