Thursday, August 20, 2026

Karagdagang safety requirements para sa pagmamay-ari ng baril, pinag-aaralan ng PNP

Pinag-aaralan ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng karagdagang safety requirements para sa pagmamay-ari ng baril.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., ang mga gun-related incidents sa mga eskwelahan at komunidad partikular na sa mga insidente na kinasasangkutan ng mga menor de edad ay bumabagsak sa isyu ng accessibility sa mga armas .

Dahil dito ay tinitingnan na nila ang posibilidad na gawing requirement ang isang komprehensibong seminar sa gun safety, hindi lamang sa pagkuha ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at pagpaparehistro ng baril, kundi maging sa proseso ng renewal.

Ayon pa kay Nartatez, inatasan na niya ang Civil Security Group (CSG) na bumuo ng pinal at updated na mga alituntunin para sa regular na pagsasagawa ng mga gun safety seminar para sa lahat ng rehistradong may-ari ng baril sa buong bansa.

Bahagi rin ng pagsusuri sa mga karagdagang safety measures ang pakikipag-ugnayan sa mga may-ari ng tindahan ng baril na may layon na kunin ang kanilang mga mungkahi ukol dito.

Tiniyak naman ni Nartatez na sasabayan ng nasabing karagdagang gun safety measures ang patuloy at mas pinaigting na kampanya laban sa mga loose firearms.

Facebook Comments