
Hinamon ng Malacañang si Senador Alan Peter Cayetano na ilabas ang liquidation ng bilyong pisong pondong ginamit sa 2019 Southeast Asian Games, kasunod ng pagkuwestiyon nito sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kung wala namang dapat ikatakot si Cayetano sa isyu ng korapsyon, hindi ito dapat magalit sa isinasagawang imbestigasyon.
Kwinestiyon din ni Castro ang senador kung na-liquidate na ang bilyong pondong inilaan sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), at kung naireport ang lahat ng donasyong natanggap para sa naturang torneo.
Binanatan din ni Castro ang pagtawag ni Cayetano kay NBI Director Melvin Matibag na isang “minion.”
Sa halip aniya na manira at magturo ng iba, dapat sagutin ng senador ang mga isyung ibinabato laban sa paggamit ng pondo sa SEA Games.










