
Pormal nang nagsampa ng reklamo ang Crimes and Corruption Watch International laban sa isang opisyal ng Department of Public Works and Highway (DPWH) Region 6 ng kasong graft and corruption sa Office of the Ombudsman.
Sa mahigit 500 pahinang reklamo ni Crimes and Corruption Watch International Chairman at President Dr. Carlomagno Batalla, sinampahan niya ng reklamo ng graft and corruption sa tanggapan ng Ombudsman si DPWH Region 6 Regional Director Sonny Boy Oropel at mga kasamahan nito dahil sa maanomalya bidding sa halagang mahigit P9.2 bilyon mula noong January hanggang December 2024 na hindi matuloy-tuloy at madalas na naaantala ang naturang proyekto.
Kabilang sa mga reklamo na inihain ni Batalla ay ang maanomalya umanong kontrata na gaya ng flood control, mga kalsada, tulay, gusali at marami pang ibang mga imprastraktura.
Napag-alaman na madalas umano naaantala ang mga proyekto na hinahawakan ni Engineer Oropel na labag sa rules ng DPWH dahil kapagparating naaantala umano ang mga proyekto hindi na pwedeng makipagkontrata sa gobyerno ang isang kontraktor base na rin sa panuntunan ng bids and awards committee ng DPWH.
Giit pa ni Batalla na dapat ay kumpleto ang mga equipment at engineer kung gagawa ng isang proyekto at kinakailangang on time ang pagtapos ng mga ito na hindi nagagawa ng nasabing kontraktor.