OFWs sa Jeddah, Saudi Arabia, pinaiiwas ng Philippine Consulate sa pagbebenta ng mga pagkain sa mga pampublikong lugar doon

Pinaiiwas ng Philippine Consulate sa Jeddah, Saudi Arabia ang mga Pilipino roon sa pagbebenta ng pagkain sa mga pampublikong parke tulad ng Tihama Park sa Aziziyah District, Jeddah.

Ito ay lalo na kung hindi tiyak ang pinagmulan ng mga produkto at walang kaukulang pahintulot.

Ayon sa Konsulada ng Pilipinas, maaari kasi itong magdulot ng panganib sa kalusugan ng publiko at posibleng maging sanhi ng sunog.

Nagbabala rin ang Philippine Consulate na kumikilos na ang mga awtoridad ng Jeddah laban sa ganitong mga gawain, kaya’t ipinaaalala na iwasan ang mga ito para hindi malagay sa ligal na pananagutan.

Pinaalalahanan din ang mga Pinoy sa Jeddah na laging sumunod sa lokal na batas at regulasyon ng bansang kanilang pinagtatrabahuhan.

Facebook Comments