
Iginagalang ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang personal na desisyon ni Dean Sarmiento na huwag nang ituloy ang pagtanggap sa kanilang imbitasyon na maging witness ng depensa.
Ayon kay Atty. Michael Poa, isa sa mga abogado ng pangalawang pangulo, nagpasalamat din sila kay Dean Sarmiento sa paunang pagbibigay nito ng konsiderasyon sa naturang paanyaya.
Kasabay nito, hinangad ng kampo ni VP Sara ang patuloy na tagumpay ni Dean Sarmiento sa kaniyang mga ambag sa talakayan at paghubog ng diskurso kaugnay ng Konstitusyon.
Una rito, tumanggi ang law professor at legal analyst na tumestigo para sa depensa ng bise presidente sa isinasagawang impeachment trial.
Sa kaniyang social media post, sinabi ni Sarmiento na matapos ang masusing pag-iisip, nagpasya siyang hindi lumahok bilang testigo upang mapanatili ang kalayaan ng kaniyang Constitutional law scholarship at ang pagiging patas ng kaniyang mga legal na pananaw at opinyon.
Ayon pa kay Sarmiento, ipinaabot na niya sa defense panel ang kanyang kahilingan na bawiin ang hiling para sa subpoena na magpapaharap sa kanya sa Impeachment Court.










