
Ipinauubaya ni Senate President Chiz Escudero sa Office of the Solicitor General (SolGen) ang pagsagot sa “petition for mandamus” na humihiling sa Korte Suprema na obligahin ang Senado na simulan ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Escudero na ang SolGen ang tatayong kinatawan o abogado ng Senado sa Korte Suprema para sa mga petisyong inihain kaugnay sa impeachment ni Duterte.
Ang SolGen na rin ang sasagot sa petisyon, haharap sa Supreme Court at hahawak ng kaso para sa Senado bilang ito ang tumatayong abogado ng pamahalaan.
Katunayan ay nakausap na rin niya si SolGen Menardo Guevarra tungkol sa bagay na ito.
Mayroon na rin aniyang binuong draft ang legal team ng Senado na ibabahagi sa SolGen para sa kanilang reference.
Sa tanong naman kung pwedeng utusan ng Korte Suprema ang Senado na ituloy o pigilan ang pagsasagawa ng impeachment trial mula sa mga petisyong inihain, sinabi ni Escudero na ayaw niyang pangunahan ang Supreme Court at hihintayin na lamang ang magiging desisyon dito ng Kataas-taasang Hukuman.