Pagmamadali ng ilang grupo na aksyunan agad ng Senado ang impeachment ni VP Sara, pinalagan ng liderato ng Senado

Kinwestyon ni Senate President Chiz Escudero ang pagmamadali ng ilang grupo sa Senado para aksyunan kaagad ang impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Kaugnay na rin ito sa isinumiteng position paper ni Bayan Muna Chairperson at dating Congressman Neri Colmenares na nananawagan sa Senado na mag-convene na agad bilang impeachment court para masimulan na ang paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte.

Tinukoy ni Escudero ang rules ng Kamara kung saan ang inihaing reklamo sa impeachment ay dapat “immediately” o kaagad mai-refer sa House Speaker.


Gayunman, kahit mayroong salitang “immediately” ay dalawang buwan itong inupuan ng mga kongresista at ng mga complainant.

Patunay pa aniya rito ang inihaing reklamo laban kay VP Duterte na kabahagi ang Bayan Muna kung saan ini-archive na lamang at hindi na ito nai-refer sa Speaker.

Hirit ni Escudero, sino sila ngayon para madaliin ang Senado samantalang sila mismo ay hindi naman nagmamadali.

Naunang sinabi ng mambabatas na tatanggapin nila ang position paper ng Bayan Muna at ito ay ire-refer sa Committee on Rules at sa legal team ng Senado para makunsidera ang suhestyon ng grupo.

Facebook Comments