Wednesday, April 29, 2026

PCG, pinaigting pa ang kampanya kontra “paihi” ng langis para maiwasan ang oil spill

Pinaigting ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang kampanya laban sa mga “paihi” o iligal na pagsasalin ng langis.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemi Cayabyab, tuloy-tuloy ang kanilang pagbabantay para maiwasan ang mga insidente ng “paihi” lalo’t maaari itong mauwi sa oil spill.

Dahil dito, mahigpit aniya ang pagpapatrolya at inspeksiyon ng kanilang mga tauhan lalo’t natuklasan na madalas itong ginagawa tuwing madaling araw at sangkot ang mga maliit na bangka.

Sabi ni Cayabyab, maaaring magdulot ng malawakang epekto sa kalikasan, kabuhayan ng mga mangingisda at kaligtasan ng mga komunidad sa baybayin ang posibleng oil spill na dulot ng mga “paihi”.

Kamakailan lamang nang siyam na indibidwal na sangkot sa “paihi” ang naaresto ng mga awtoridad sa Navotas Fish Port matapos masabat ang mahigit P9 million halaga ng krudo.

Facebook Comments