
Lumabas sa paunang resulta ng beripikasyon ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na walang indikasyon ng pagkawala ng kuryente o pagka-antala sa mga CCTV camera ng Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas, Quezon City.
Ikinasa ang imbestigasyon kasunod ng mga alegasyon ng veteran broadcaster na si Mon Tulfo kaugnay ng umano’y iregularidad sa kustodiya at espesyal na pagtrato kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon sa pahayag mula kay BJMP Spokesperson at Jail Superintendent Jayrex Bustinera, wala ring naitalang paglabas ng pasilidad ni Romualdez sa panahong sinuri sa CCTV footage.
Matatandaang sinabi ni Tulfo sa isang Facebook post na pinapatay ang buong kuryente sa kulungan para masabing brownout, para hindi makuhanan ng CCTV ang umano’y paglabas at pagpasok ni Romualdez sa kulungan, gamit ang backdoor stairs at waiting ambulance pagbaba ng hagdan ayon umano sa kaniyang source.
Samantala, binigyang-diin naman ng ahensiya na ipagpapatuloy nila ang nasabing imbestigasyon at bukas din ito sa pagtanggap ng impormasyon mula sa publiko, gayundin sa pakikipagtulungan sa iba pang ahensiya ng pamahalaan.










