
Idinepensa ng Philippine Air Force (PAF) ang Commander ng Col. Ernesto Ravina Air Base o CERAB na si Lt.Col. Owen Avenido matapos itong ideklarang persona non grata ng Sangguniang Bayan ng Capas, Tarlac.
Ito ay matapos ang mga hakbang panseguridad na umano’y nagpaantala sa mga operasyon ng gobyerno at nagkumpermiso sa serbisyo publiko.
Kagaya ng mga checkpoints umano sa lugar na pumipigil sa mga indibidwal o lingkod-bayan na pumasok ng airbase.
Ayon kay Air Force Spokesperson, Col. Ma. Cristina Basco, ire-review nila ang nasabing alegasyon na ito ngunit nanindigan ito na ginagawa lamang ni Avenido ang kaniyang tungkuling pangalagaan ang Air Base gayundin ang mga komunidad na nakapaligid dito.
Dadag pa ni Basco, bukas naman ang PAF na makipag-usap sa mga lokal na opisyal.
Una nang binigyang-diin ng PAF na lubhang delikado sa mga sibilyan ang pananatili sa paligid ng CERAB dahil sa ito’y training ground ng militar.










