
Binigyang-diin ni House Speaker Faustino Bodje Dy III na patuloy na tinutugunan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng buong gobyerno ang mga hamon na araw-araw nararanasan ng mga Pilipino at ng buong mundo.
Pangunahin sa binanggit ni Dy na patuloy na inaaksyunan ng gobyerno ang inflation o pagtaas ng presyo ng bilihin, krimen at korapsyon.
Ayon kay Dy, katuwan ng administrasyon ang House of Representatives na patuloy na magpapasa ng mga panukalang batas na magpapabuti sa buhay ng taumbayan.
Bahagi ito ng Mensahe ni Dy sa pagbubukas ngayon ng 2nd regular session ng 20th congress na aniya’y hindi lamang isang seremonyang itinatadhana ng ating Saligang Batas.
Sabi ni Dy, ito rin ay panibagong pagkakataon upang suriin ang kanilang mga nagawa, kilalanin ang mga pagkukulang, at pagtibayin ang kanilang sinumpaang panata na maglingkod nang tapat at higit na mahusay para sa sambayanang Pilipino.
289 na mga kongresista ang present sa pagbubukas ngayon ng 2nd regular session ng 20th Congress.
Pinagtibay naman ngayon ng Kamara ang magkakahiwalay na mga resolusyon na nagpapabatid sa Senado at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may quorum ang Kamara at handa na para sa joint session mamayang alas-kwatro ng hapon kung saan papakinggan ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ng pangulo.










