
Hindi magiging hadlang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paglalabas ng katotohanan.
Ito ang paliwanag ng Malacañang matapos bigyan ng pangulo ng awtoridad ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na isumite sa Senate Impeachment Court ang ipina-subpoenang tax records ni Vice President Sara Duterte at Atty. Mans Carpio.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, tumalima lamang ang pangulo sa itinatakda ng batas.
Iginiit din ng Malacañang na walang bahid ng pulitika ang naging desisyon ng pangulo.
Bagama’t una nang nag-alinlangan ang Malacañang dahil maaari itong maging isyu sa mga susunod na impeachment proceedings laban sa isang pangulo, kinailangan pa rin aniyang ibigay ang awtorisasyon dahil ito ang hinihingi ng National Internal Revenue Code.










