
Naniniwala si Senator Risa Hontiveros na dahil sa bigat ng mga ebidensya laban sa Chinese national na si Li Duan Wang kung kaya’t na-veto ni Pangulong Bongbong Marcos ang application nito para sa Filipino citizenship.
Sa simula pa lamang aniya ay nagpahayag na siya ng pagtutol sa naturalization ni Wang dahil sa mga nakakabahalang natuklasan dito.
Kabilang sa ikinababahala ng senadora ay mayroon umanong hawak na maraming taxpayer IDs si Wang na may kaugnayan sa mga ilegal na operasyon ng POGO at sinasabing affiliated din ito sa grupong may kaugnayan sa Communist Party of China.
Binigyang-diin ni Hontiveros na hindi ito maliliit na isyu o minor technicalities dahil kung magawaran ito ng Filipino citizenship sa kabila ng mga red flags ay magbibigay ito ng maling mensahe at panganib na gayahin ng iba.
Dagdag pa ng mambabatas, ang pag-veto ni PBBM sa naturalization ni Wang ay pagpapakita ng commitment ng gobyerno na protektahan ang kasagraduhan ng pagiging mamamayang Pilipino at matatag na paninindigan sa ating pambansang interes.