
Inanunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong araw ang pagbaba ng P0.0151 kada kWh sa singil sa kuryente ngayong Mayo.
Ito ay katumbas ng P14.3345 sa kabuuang rate para sa isang pangkaraniwang pamilya.
Nilinaw naman ni Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga na ang matatanggap na bill ng consumers ay nakadepende pa rin sa kanilang aktwal na konsumo lalo na’t karaniwan aniyang tumataas ang konsumo sa elektrisidad sa panahon ng tag-init.
Aminado rin ang Meralco na nakatulong ang mga naging direktiba ng Energy Regulatory Commission (ERC) para mapababa ang singil sa kuryente.
Partikular ang direktiba ng ERC na pag-refund ng Meralco para sa residential customers ng P0.2254 per kWh ngayong buwan.
Matatandaang inatasan ng ERC ang Meralco na i-refund ang natitirang P14.2 bilyon na sobrang nasingil sa consumers sa loob ng 12 buwan.










