
Walang inilabas na Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema sa petisyon na inihain ng kampo ni Senator Bato dela Rosa.
Ito ay kaugnay sa inihaing Urgent Manifestation with Omnibus Motion at Extremely Urgent Supplemental Manifestation with Motion ng kampo ni Dela Rosa para hilingin na maglabas ang SC ng TRO upang pigilan ang pag-aresto sa kaniya sa bisa ng warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa kabila nito, pinagkokomento ng Kataas-taasang Hukuman ang respondents kabilang ang Malacañang at iba pang matataas na opisyal ng gobyerno sa petisyon sa loob ng tatlong araw.
Habang binigyan din si Dela Rosa ng hindi lalagpas sa 72 oras ng pagkakataon na magkomento mula nang matanggap ng respondents ang kanilang komento.
Inihain noong Lunes ng kampo ng senador ang mosyon matapos maglabas ng warrant of arrest ang ICC kaugnay sa imbestigasyon sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Humihiling ng TRO, writ of preliminary injunction, o status quo ante order si Dela Rosa para mapigilan ang pag-aresto at pagdetine sa kaniya.
Kinumuwestiyon din nila ang tangkang pag-aresto ng National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Dela Rosa at ang pagpresinta ni dating Senador Antonio Trillanes ng kopya ng ICC arrest warrant laban sa kaniya.










