Tuesday, July 21, 2026

Pagpapa-subpoena sa bank at tax records ni VP Sara, maituturing na “grave abuse of discretion” ayon sa isang senator-judge

Binigyang-diin ni Senator-judge Imee Marcos na maituturing na “grave abuse of discretion” o pang-aabuso sa pagpapasya ang desisyon ng Senate Impeachment Court na ipa-subpoena ang mga bank at tax records ni Vice President Sara Duterte.

Tinututulan ni Senator-judge Marcos ang pag-iisyu ng subpoena para sa bangko, Bureau of Internal Revenue (BIR), at Anti-Money Laundering Council (AMLC) records na sumasaklaw sa mga panahong hindi pa bise presidente si Duterte.

Malinaw na aniya sa pinal na desisyon ng Supreme Court sa kasong Duterte v. House of Representatives, kung saan ang isang kaso ng impeachment ay dapat tumukoy lamang sa mga kilos na may kaugnayan sa kasalukuyang termino na pinaglilingkuran ng isang opisyal.

Paliwanag ni Sen. Imee, ang termino ni Duterte bilang bise presidente ay nagsimula noong June 30, 2022 at ang pagsama sa mga petsang hindi pa ito ikalawang pangulo ay hindi saklaw sa termino ng isang impeachable officer.

Paglilinaw ni Senator-judge Marcos, hindi siya tutol sa pagkuha ng bank at BIR records ni VP Sara kung ito ay limitado lamang sa panahon na siya ay bise presidente.

Paalala pa ng senator-judge, ang BIR tax records ay maaari lamang ilabas kapag may pahintulot ng Pangulo pero limitado lamang sa kasalukuyang termino habang hindi rin exempted ang impeachment court sa mahigpit na confidentiality requirements ang Anti-Money Laundering Act.

Facebook Comments