Tuesday, July 21, 2026

Subpoena para sa bank at tax records ni VP Sara, ilalabas ng impeachment court ngayong araw

Ilalabas ngayong araw ng Senate Impeachment Court ang subpoena para sa mga bank at tax records ni Vice President Sara Duterte, ng kaniyang asawang si Mans Carpio, at ng mga korporasyon o negosyo na umano’y konektado sa kanila.

Sinabi ni Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na maaaring isilbi na ngayong araw ang magkakahiwalay na subpoena para sa Bureau of Internal Revenue (BIR), sa Anti-Money Laundering Council (AMLC )at sa mga banking institutions.

Batay sa ruling ni Presiding Officer Chiz Escudero, ipinasusumite sa clerk of court ng impeachment court ang mga bank at tax records sa July 30, alas-9 ng umaga.

Dagdag ni Tongol, bago pa man nagsimula ang impeachment trial noong July 6, nagawa na ni Escudero ang malaking bahagi ng mahabang ruling ukol sa mga subpoena dahil dati naman nang hiniling ito ng prosekusyon at nire-review na lamang.

Bago ilabas ang ruling ay dumaan din ito sa konsultasyon ng mga senator-judges sa isinagawang caucus noong July 15.

Facebook Comments