
Pinapatiyak ni House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin sa publiko at gobyerno na maisama sa paghahanda sa inaasahang mas matinding El Niño ang pagbibigay-proteksyon sa kalusugan.
Bilang doktor at dating kalihim ng Department of Health (DOH) ay binigyang-diin ni Garin ang panganib na hatid sa kalusugan ng mamamayan ng Super El Nino.
Sabi ni Garin, mas mabilis madehydrate o magkulang sa tubig ang katawan ng isang tao kapag matindi ang init na maaring magresulta sa heat stroke o iba pang sakit.
Bunsod nito ay binigyang-diin ni Garin, na hindi lang pagkain at tubig ang dapat nating paghandaan sa pagtama ng matinding tagtuyod kundi pati rin ang pangangalaga sa kalusugan.
Payo ni Garin sa publiko, palaging uminom ng tubig, huwag magbabad sa init ng araw at huwag balewalain ang masamang pakiramdam tulad ng pagkahilo, panghihina at pagsusuka.










