
Paiigtingin ng lokal na pamahalaan ng Dagupan City ang mga hakbang para matiyak ang kaligtasan ng mga pedestrian, partikular ng mga mag-aaral na tumatawid sa mga kalsada.
Sa ilalim ng programang “SafeNet Dagupan – Pedestrian First,” nakatakdang pinturahan ng City Engineering Office ang nasa 70 pedestrian lanes sa iba’t ibang paaralan at pangunahing lansangan sa lungsod.
Isasagawa ang naturang hakbang alinsunod sa umiiral na ordinansa ng lungsod upang magkaroon ng malinaw at ligtas na tawiran para sa mga estudyante at iba pang pedestrian.
Samantala, magsasagawa naman ang Public Order and Safety Office (POSO) ng pagsasanay para sa mga bata hinggil sa tamang pagtawid sa kalsada.
Kabilang sa mga ituturo ang wastong paggamit ng pedestrian lanes at pagsunod sa paalala na “Stop, Look, Listen, Cross” upang matiyak na ligtas ang pagtawid.
Layunin nitong mapalakas ang disiplina sa kalsada at maiwasan ang mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga pedestrian, lalo na ang mga mag-aaral. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










