
Ikinabahala ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagkakahuli sa isang Chinese national sa Intramuros, Maynila dahil sa pang-eespiya.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nakakabahala ito lalo na’t nahuli na may nag-eespiya malapit sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) ilang linggo na lamang bago ang halalan.
Pero ayaw rin muna kumpirmahin ng NBI kung may direktang kinalaman ito sa halalan.
Sabi ni NBI Deputy Director at Spokesperson Atty. Ferdinand Lavin, hihintayin muna ang resulta ng imbestigasyon sa mga gamit na nakumpiska sa suspek.
Sa ilalim ng batas, bawal ang paggamit ng International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher na nakakasagap ng mga text message lalo na kung hindi naman awtorisado.
Mahaharap sa reklamong espionage ang naarestong dayuhan habang makikipag-ugnayan din ang NBI sa Comelec sa ginagawang imbestigasyon.