
Naitala ng Police Regional Office 1 (PRO 1) ang magkakasunod na operasyon na nagbunga sa pagkakaaresto sa apat na Top Most Wanted Persons at pagkakasamsam ng mahigit ₱422,000 halaga ng pinaghihinalaang shabu sa magkakahiwalay na operasyon sa Region 1.
Noong Hulyo 6, isinagawa ang serye ng manhunt operations sa iba’t ibang lugar na nagresulta sa pagkakadakip ng mga wanted na indibidwal mula sa Benguet at Pangasinan.
Sa Mankayan, Benguet, naaresto ng pinagsanib na operatiba na pinangunahan ng Sugpon Municipal Police Station (MPS) ang Top 4 Most Wanted Person ng Ilocos Sur dahil sa kasong paglabag sa Section 16, Article II ng Republic Act 9165 o ang pagtatanim o paglilinang ng mga halamang pinagmumulan ng ilegal na droga.
Sa Sta. Barbara, Pangasinan, nadakip naman ang Top 6 Provincial Most Wanted Person na nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), gayundin sa Section 28, Article V ng RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Sa Balungao, naaresto rin ng Balungao MPS ang Top 8 Most Wanted Person ng lalawigan na may mga kasong kinabibilangan ng tatlong bilang ng rape at rape through sexual assault.
Samantala, sa Pozorrubio, nadakip ng Pozorrubio MPS at mga katuwang na police units ang Top Most Wanted Person ng bayan na may kinakaharap na kasong carnapping.
Noong Hulyo 7, nagsagawa rin ng buy-bust operation ang Regional Police Drug Enforcement Unit 1, katuwang ang iba pang police units at Urdaneta City Police Station, sa Urdaneta City, Pangasinan na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang high-value drug personalities at pagkakasamsam ng 62.18 gramo ng pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride o shabu na may tinatayang halaga na ₱422,824.00.
Ayon sa ulat, ang dalawang naaresto ay mga residente ng Tuguegarao City, Cagayan at Mangaldan, Pangasinan. Nakuha sa operasyon ang isang malaking heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman umano ng nasabing ilegal na droga.
Ang mga naarestong indibidwal ay nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting units para sa dokumentasyon at pagsasagawa ng kaukulang legal na hakbang. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










