
Itinutulak ng isang senador na ipagbawal na magkaroon ng social media ang mga kabataang may edad 16 na taon pababa.
Sa Senate Bill 2066 o ang Social Media Safety for Children Act na inihain ni Senator Sherwin Gatchalian, layon nitong tuluyang ipagbawal na maka-access, mag-register, at magkaroon ng accounts sa social media platforms ang mga kabataan.
Ang mga social media providers ay oobligahin na magpatupad ng mahigpit na age-verification mechanism para sa mga gagawa ng account sa isang social media platform.
Pinagsasagawa rin ang mga social media platform providers ng regular audits para magbura ng mga accounts ng mga age-restricted users, pagkakaroon ng agarang reporting at response mechanism laban sa underage access at paglalagay ng parental control at content-filtering tools.
Sinabi ni Gatchalian na panahon na para protektahan ang mga kabataan mula sa pinsalang dulot ng social media at hindi na dapat hintaying lumala pa ang problema bago umaksyon.










